Pormal nang umupo bilang ika-23 hepe ng pulisya si PGen. Archie Gamboa ngayong Lunes.
Ito’y matapos ang halos tatlong buwang pagiging officer-in-charge ni Gamboa matapos bumaba sa puwesto si retired General Oscar Albayalde dahil sa isyu ng ninja cops.
Simpleng ceremonya lamang ang isinagawa sa assumption of office ni Gamboa na ginanap sa loob ng PNP White House na siyang official residence ng PNP chief sa loob ng Camp Crame.
Ang donning of ranks naman para kaniyang 4-star rank ay pinangunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batangas.
Sa panayam kay Gamboa, sinabi nito na ang istilo ng kaniyang pamamahala ay dapat lahat sama-samang magtatrabaho bilang isang team dahil hindi niya ito magagawa nang nag-iisa.
Giit nito na nag-usap na rin silang tatlo ni Pangulong Duterte at Interior Sec. Eduardo Año.
Aniya, direktiba ng Pangulo na tutukan ang kampanya kontra iligal na droga, internal cleansing at organizational discipline sa kanilang hanay.
Wala din aniyang mga pagbabago na ipatutupad dahil in-place ang lahat ng policies and plans ng PNP.
Tiniyak naman ni Gamboa na lahat ng ninja cops at mga pulis sangkot sa iligal activities ay matatanggal sa serbisyo.
No comment naman si Gamboa na maaaring humupa na ang tampo ng ng Pangulo sa PNP dahil in-appoint na siya bilang permanenteng Chief PNP.
Si Gamboa ay miyembro ng PMA “Sinagtala” Class of 1986 at mistah nina Albayalde at Sen. Ronald Dela Rosa.