-- Advertisements --

Umapela ang kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso sa national government na magbigay ito ng tulong hinggil sa kanilang kinakaharap na problema sa baha.

Kung saan hiling ng naturang alkalde na magkaroon at maisakatuparan ang ‘long term solution’ ng gobyerno upang maresolba ang isyu ng pagbaha sa lungsod.

Ito’y kasunod ng ilang araw na halos walang tigil na pag-ulang nararanasan na siyang nakaapekto maging sa kabuhayan ng ga residente.

Aniya’y hindi sapat ang kanilang isinasagawang mga declogging operations sa iba’t ibang mga drainage o kanal para masolusyonan ang pagbaha.

Aminado kasi si Mayor Isko Moreno na ito’y pansamantalang aksyon lamang upang maibsan o mapabilis ang paghupa ng tubig baha.

Kaya’t kanyang apela sa pambansang pamahalaan na magtayo o gumawa ito ng mga proyekto na makatutugon sa problemang kinakaharap ng kabisera ng bansa.

Dagdag pa rito’y hiling din ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagkakaroon ng karagdagang mga sewage treatment plants sa lungsod.

Makapagbibigay aniya ito ng matibay na kapasidad upang maibsan ang pagbaha sa kabila ng mga biglaang pagbuhos ng malalakas na ulan.

Ngunit kanyang iginiit na dapat hindi lamang ito limitado sa bahagi ng Roxas Boulevard kundi maging rin sana daw sa iba pang lugar na ladalasang nalulubog sa baha.