Ibinasura ng Office of the City Prosecutor (OCP) ng Mandaluyong City ang mga reklamong inihain ng negosyanteng si Atong Ang laban sa whistleblower ng missing sabungeros case na si Julie Patidongan.
Sa isang resolusyon na may petsang Setyembre 20, sinabi ng Prosecutor na ibinasura ang mga reklamong inihain ni Ang kabilang ang robbery, grave threats, grave coercion, slander at incriminating an innocent person dahil sa kawalan ng “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction” o kawalan ng sapat at matibay na ebidensiya upang patunayan ang lahat ng elemento ng krimen.
Sa reklamong slander na inihain ni Ang, inakusahan siya bilang utak sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero base sa isang post sa social media ng panayam kay Patidongan.
Kaugnay nito, iginiit ng Prosecutor na dapat may competent at admissible evidence gaya ng affidavit mula sa uploader na nagpapatunay ng katotohanan ng naturang post. Kung wala aniya ang naturang patunay, mananatiling hindi verified ang naturang post at extrajudicial source na hindi maaaring pagbasehan para sa pag-establish ng criminal case.
Hindi rin aniya sapat para patunayan ang alegasyon ng intimidation ang mga alegasyon at ebidensiyang iprinisenta ni Ang. Ayon sa OCP, ang patuloy na pagbibigay ng suportang pinanisyal ni Ang sa mayoralty bid ni Patidongan noong 2025 elections ay taliwas sa paratang na umano’y sabwatan nina Patidongan at isa pang respondent na si Alan Bantiles para nakawan, i-kidnap at patayan si Ang noong Setyembre 2023.
Samantala, sa parte naman ni Ang, sinabi ng kaniyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal na plano nilang iapela ito sa Department of Justice.
















