DAVAO CITY – Naaresto sa isinagawang manhunt operation ang matagal nang pinaghahanap na squad leader nang tinaguriang Pulang Bagani Command ng New People’s Army (NPA).
Nahuli si Leonilo Gonzales alyas Kumander Banakon bandang alas-4:30 ng hapon nitong Linggo sa San Roque, New Corella, Davao del Norte batay sa mga warrant of arrest para sa mga krimeng nagawa raw nito na kinabibilangan ng murder, attempted murder, robbery by a band, homicide, sedition at multiple frustraded murder na inilabas ng iba’t ibang hukuman sa Regional Trial Court 11, Davao City.
Nadakip si Gonzales sa isinagawang manhunt operation ng Davao City Police Office partikular na ng Police Station (PS) 7 at City Mobile Force Company (CMFC) sa pakikipagtulungan ng New Corella Police Station at 25th Infantry Battalion (25IB), Philippine Army.
Napag-alaman din na sangkot ang nasabing kumander sa serye ng pag-atake at panliligalig sa buong Region 11 gaya na lamang ng panununog sa Lapanday noong 2017, harassment and abduction ng limang tauhan ng PS7 noong 2016 at ang nangyaring pag-atake sa Panabo Police Station na naging dahilan ng pagkamatay ng isang police officer noong 2011.
Nasa Top 2 rin ng Internal Security Operations watchlist–city level ang nasabing kumander.
Nasa kustodiya na ng Investigation and Detective Management Branch (IDMB), DCPO si Gonzales para sa tamang disposisyon.