Kinumpirma ni Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang na isang indibidwal ang nasawi sa malakas na pagyanig na tumama ngayong araw, Oktubre 10.
Ayon sa Gobernador, ang napaulat na biktima ay mula sa Mati City. Nabagsakan ng parte ng gumuhong bahay ang naturang biktima.
Iniulat din ng local official na ilang mga istruktura sa probinsiya ang napinsala. Nagpapatuloy naman ang isinasagawang assessment ng mga awtoridad sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan kasunod ng malakas na lindol.
Una rito, agad na nag-isyu ng advisory ang Gobernador para sa kanselasyon ng mga klase sa mga paaralan at pasok sa trabaho at pansamantalang pinagbawalan ang mga residente na pumasok sa ilang mga pasilidad para sa kanilang kaligtasan.
Sa mga ibinahagi ding larawan ng Gobernador sa kaniyang social media account, makikita ang ilang insidente ng landslide at natumbang mga puno at kable at poste ng kuryente sa mga kalsada partikular na sa may Manay na episentro ng lindol.