-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Mahaharap sa kasong pagnanakaw ng mga mineral o paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 ang isang Chinese national kasama ang walo pang Pilipino na sangkot sa illegal gold mining operation sa Sitio Mantigue, Barangay Poblacion 1, Santiago, Agusan del Norte.

Nasakote ang grupo sa isinagawang operasyon ng composite team mula sa National Bureau of Investigation (NBI)-Caraga, NBI-North Eastern Mindanao, NBI-Bukidnon District Office, Mines and Geosciences Bureau-Region XIII, at mga elemento ng Military Intelligence Group 10 – Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (MIG 10-ISAFP).

Kinilala ang Chinese national na si Yang Huaming, ang umano’y team leader ng grupo na naninirahan din sa naturang lugar. Kabilang sa mga Pilipinong kasabwat niya ang kanyang interpreter, pati mga taga-Butuan City, Agusan del Norte, Surigao, Zamboanga, at Sibugay na nagtatrabaho bilang backhoe at payloader operators, mekaniko, at mga laborer.

Ayon kay Atty. Sally Hans Barbaso, regional director ng NBI-Caraga, ang operasyon ay resulta ng malalim na imbestigasyon matapos silang makatanggap ng intelligence information mula sa MIG 10-ISAFP kaugnay ng ilegal na pagmimina.

Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkawasak ng ilegal na mining site at pagkumpiska sa mga mineral products na nakuha na, pati sa mga kagamitan sa ilegal na operasyon.

Kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang dalawang excavator, dalawang payloader, isang dump truck, isang service vehicle, pitong fuel container, anim na excavator buckets, dalawang generator set, at iba pang kagamitan.