KORONADAL CITY – Kinilala na ng Western Mindanao Command ang isa sa mga napatay na suicide bombing suspects na nasa likod ng mga pamomomba sa Indanan, Sulu na ikinamatay ng mga sundalo at sibilyan noong nakaraang buwan ng Hunyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, kinilala ang naturang bomber na si Norman Lasuca na isang Pilipino at kasama nitong hindi pa nakikilala ngunit pinaniniwalaang anak ng isang Moroccan.
Matatandaang tatlo sa mga sundalo ang nasawi kabilang na ang dalawang sibilyan sa pag-atake ng mga suicide bomber sa kampo ng militar sa naturang lugar.
Maliban dito, patuloy rin ang monitoring ng AFP sa pitong dayuhang mga terorista na sinasabing sumapi sa BIFF at Abu Sayyaf upang maiwasan ang spillover ng karahasan dito sa rehiyon.
Samantala, kinumpirma rin ni Encinas na nasawi ang isang kasapi ng militar na si Sgt. Mahmud Jamad sa nangyaring sagupaan sa Shariff Saydona Mustafa, Maguindanao laban sa BIFF.