Balak ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na makipag-ugnayan sa mga internet cafes sa bansa para gamitin ng mga mag-aaral sa flexible learning system na isinusulong ng DepEd at CHED sa Academic Year 2020-2021.
Sa pagdinig ng House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee, New Normal Cluster, sinabi ni DICT Usec. Eliseo Rio Jr. na ilang libong internet cafes sa bansa ang maaring i-repurpose at ma-reconfigure para gawing digital classrooms.
Sa ganitong paraan, makakapag-aral pa rin aniya sa ilalim ng flexible learning system ang mga estudyante na walang personal computer at access sa maganda at mabilis na internet connection.
Mababatid na balak ng DepEd at CHED na limitahan ang bilang ng mga estudyante na physically present sa mga paaralan at higher learning institutions para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19.
Sinabi ni CHED Chairman J. Prospero De Vera III na makakatulong ito sa pagpapatupad ng social distancing, at para mapangalagaan na rin ang kalusugan ng mga mag-aaral.