-- Advertisements --

Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nananatiling mataas ang bilang ng mga international passengers sa bansa sa kabila ng umiiral na tensyon sa Middle East na nakaapekto sa ilang flight operations.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, umabot sa 782,344 ang kabuuang passenger volume sa mga international ports ng bansa sa loob ng isang peak week, kung saan halos pantay ang bilang ng arrivals at departures.

Mula Marso 29 hanggang Abril 5, naitala ang 391,243 na pasahero na dumating at 391,101 na umalis sa Pilipinas.

Sa unang quarter ng 2026, mas mataas din ang naitalang bilang ng pasahero kumpara sa parehong panahon noong 2025.

Gayunpaman, sinabi ng ahensya na bumaba ang biyahe papunta at mula sa mga bansa sa Middle East dahil sa patuloy na tensyon sa rehiyon.

Umaasa ang BI na sa oras na humupa ang tensyon, muling tataas ang bilang ng mga pasaherong bumibiyahe patungong Gulf countries.