-- Advertisements --

Nagpatuloy ngayong araw ang ikatlong pagdinig ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects sa bansa. Ilang personalidad ang humarap upang magbigay-linaw sa mga isyung ito.

Isa sa mga dumalo ay si dating Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe, na ipinaliwanag ang proseso ng budget noong siya ang namumuno sa komite. Ayon sa kanya, normal lamang ang amendments at mga suhestyon sa pondo, ngunit nagiging mali ito kapag sa mismong implementasyon ng proyekto ay nagkakaroon ng iregularidad.

Kasama ring ipinatawag si Navotas Rep. Toby Tiangco, na naglahad ng kanyang kaalaman hinggil sa pondong inilaan sa mga substandard na proyekto. Giit pa niya, nakikita na ang koneksyon ng kanyang mga naunang pahayag sa bagong rebelasyon ni Bulacan District Engineer Henry Alcantara, na nagsabing sangkot si dating House Appropriations Chairperson Zaldy Co sa umano’y 20%–25% na kickback mula sa flood control projects sa kanilang lugar.

Samantala, dumalo rin ngayong araw sa pagdinig sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva. Matatandaan na sila ang pangalanan ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez sa House Infrastructure Committee. Ayon kay Hernandez, nakatanggap umano ang dalawang senador ng hanggang 30% mula sa bawat flood control project.

Ayon sa ICI, magpapatuloy pa ang serye ng pagdinig upang higit pang mabusisi ang mga anomalyang kinasasangkutan ng mga proyekto.