-- Advertisements --

Itinanggi ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang kaugnayan sa mga akusasyon ng nagbitiw na mambabatas na si Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa isang statement, nilinaw ni INC spokesperson Edwil Zabala na hindi nila kailanman nakausap si Co at wala silang kinalaman o naging papel sa mga naging pahayag ng dating mambabatas.

Ginawa ng religious group ang pahayag kasabay ng idinaos na una sa tatlong araw na “Rally for Transparency and a Better Democracy” sa Quirino Grandstand nitong Linggo sa Maynila.

Matatandaan, sa inilabas na video statement ni Co, kaniyang inakusahan ang Pangulo na nakatanggap umano ng P25 billion na kickbacks mula sa P100 billion na isiningit sa 2025 national budget.

Subalit sa panig ng Palasyo Malacañang, mariin nitong pinabulaanan ang mga paratang ni Co bilang hearsay o haka-haka lamang na walang basehan at hinamon si Co na umuwi ng Pilipinas at panumpaan ang kaniyang mga salaysay.