Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga manok at iba pang produktong galing sa manok mula sa Israel at South Dakota sa Estados Unidos.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., matagumpay na napigilan at nakontrol ang paglaganap ng mga kaso ng Highly Pathogenic Avian Influenza sa Israel at South Dakota.
Kasama sa mga pinapayagang i-import muli ang mga poultry meat o karne ng manok, day-old chicks o mga sisiw na bagong pisa, hatching eggs , at semen o semilya ng manok na gagamitin para sa artificial insemination mula sa mga dating apektadong rehiyon sa Israel at South Dakota.
Ang hakbang na ito ay inaasahang makakatulong sa muling pagpapalakas ng suplay ng manok at mga kaugnay na produkto sa merkado.
Binigyang-diin pa ni Secretary Tiu Laurel na ang pagpapatupad ng import ban noong nakaraang panahon ay isang mahalagang precautionary measure o pag-iingat na ginawa ng pamahalaan.
Ang pangunahing layunin nito ay protektahan ang lokal na industriya ng mga hayop at manok sa Pilipinas mula sa banta ng HPAI, na maaaring magdulot ng malaking pagkalugi sa mga magmamanok at sa ekonomiya ng bansa.
















