Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na lalabas na sa loob ng 60-days ang implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Registration Law pagkatapos ng measure’s effectivity.
Sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na kahit na ang bagong panukala ay naging epektibo 15 araw matapos itong mailathala noong Miyerkules sa Official Gazette, kailangan pa rin ang implementing rules and regulations (IRR) bilang blueprint nito.
Dapat balangkasin ng implementing rules and regulations (IRR) ang mga pagkakasala na sasailalim sa batas at ang proseso ng pagpaparehistro, kasama kung online o offline.
Ang Seksyon 12 ng Republic Act 11934, ang unang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay nagsasaad na ang National Telecommunications Commission sa pakikipag-ugnayan sa DICT at iba pang ahensya at grupo ay gagawa at magpapalabas ng IRR ng panukala.
Sinabi ni Uy na ang pagpaparehistro ng mga bago at umiiral na SIM ay gagawin online, gayundin ang pagsusumite ng government-issued ID na may larawan para sa verification ng pagkakakilanlan ng nagparehistro.
Aniya, mahirap ang onsite registration dahil madudumog ng mga tao ang mga location lalo pa’t nasa 144 hanggang 155 million ang mga na-issue na mga prepaid cards.