Inanunsyo ng Social Security System (SSS) ang mas pinabilis at pinaluwag na patakaran sa kanilang Calamity
loan Program (CLP) upang agad na makapagbigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonadong apektado ng kalamidad, lalo na matapos ang pananalasa ng bagyong Crising at mga nagpapatuloy na Habagat.
Ayon sa SSS, sa ilalim ng bagong guidelines, magiging available ang calamity loan pitong araw matapos ideklara ang isang lugar sa state of calamity —kumpara sa dating halos isang buwang proseso. Bukod dito, ibinaba rin sa 7% ang interest rate mula sa dating 10%.
Layunin ng bagong patakaran na magbigay ng agarang tulong-pinansyal upang maibsan ang epekto ng kalamidad at makatulong sa pagbangon ng mga miyembro nito.
Noong 2024, halos P10 billion ang naipamahaging calamity loan sa mahigit 560,000 miyembro ng SSS. Ngayong taon, P20 billion ang inilaan ng ahensya para sa programa.
Mga dapat tandaan sa pagkuha ng SSS calamity loan:
- May hindi bababa sa 36 na monthly contributions, anim dito ay kailangang nasa loob ng huling 12 buwan.
- Para sa self-employed, voluntary members, at OFWs: kailangang may anim na hulog sa ilalim ng kasalukuyang membership.
- Dapat walang past due loans o final benefit claims.
- Kailangang rehistrado sa My.SSS portal at mag-apply online lamang.
- Maximum loanable amount: P20,000
- Babayaran sa loob ng 24 buwan, may 1% service fee.
- Pag-Ibig Fund calamity at insurance claims
Samantala, nagpaalala rin ang Pag-Ibig Fund ng mga pangunahing requirements para sa kanilang calamity loan:
- Calamity loan application form (filled out)
- Valid ID
- Proof of income o sertipikadong kita mula sa employer
- Pag-Ibig Loyalty Card Plus
Para sa mga may housing loan insurance claim dahil sa pinsala:
- Non-life insurance claim form
- Report of loss
- Cost of damage o bill of materials
- Larawan ng nasirang property (colored)
- Dalawang valid ID na may pirma