-- Advertisements --

Tinawag na marites o nagbigay ng hindi beripekadong impormasyon ni Senator Rodante Marcoleta si Department of Justice Secretary Frederick Vida kaugnay ng umano’y pagkakadakip sa dating kongresista at pugante na si Zaldy sa Czech Republic. 

Ayon kay Marcoleta, hinala umano niyang si Vida ang nagbigay ng umano’y hindi beripekadong impormasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nahuli si Co sa Czech Republic kung kaya’t humiling umano ang kalihim sa Pangulo na personal na magtungo sa nasabing bansa upang kumpirmahin ang pagkakadakip kay Co. 

Kasunod nito, kinuwestiyon ni Marcoleta ang pagpunta ng mga opisyal ng Department of Justice sa Czech Republic. Aniya, kung totoong naaresto si Co sa ibang bansa, dapat umano’y agad na umiiral ang tinatawag na consular notification process, kung saan ipinapaalam sa embahada ng bansang kinabibilangan ng inaresto ang pagkakakilanlan ng tao, dahilan ng pagkakadetine, lugar ng pagkakakulong, at mga susunod na legal na hakbang.

Ayon sa senador, maaari umanong makuha ang naturang impormasyon sa Czech Embassy sa Pilipinas kaya’t nagtataka siya kung bakit kailangan pang bumiyahe roon ang mga opisyal ng pamahalaan.

“Kung makukuha mo naman dito ang detalye, bakit kailangan pang pumunta roon gamit ang pera ng bayan?” ani Marcoleta.

Sinabi rin niya na kung may opisyal na impormasyon hinggil sa sinasabing pagkakaaresto kay Co, dapat ay inilalabas ito sa publiko upang maiwasan ang pagdududa.

Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ng Czech Republic hinggil sa napaulat na pagkakadetine ni Co.