-- Advertisements --

Pinabulaanan ng isa sa senior staff member mula sa Tacloban-based office ni dating House Speaker Martin Romualdez bilang “unfounded” o walang batayan at “fake news” ang alegasyong tumakas na palabas ng Pilipinas ang mambabatas, na kagagawan umano ng kaniyang mga kalaban sa pulitika.

Sinabi ng senior staff na nananatiling nasa Pilipinas si Romualdez at patuloy na ginagampanan ang kaniyang congressional duties sa kabila pa ng hindi pagpapakita sa publiko.

Ginawa ng senior staff ang paglilinaw ngayong Biyernes, Abril 24 matapos ang usap-usapan na kumalat online na nagsasabing nagtatago na ang kongresista o tumakas na ng bansa kasunod ng kamakailang pag-freeze ng kaniyang assets may kaugnayan sa flood control anomaly.

Ayon sa staff na tumangging pangalanan, hindi aalis ng bansa si Romualdez at mayroon silang komunikasyon sa mambabatas, regular na nagbibigay ng mga instruction at minomonitor ang mga concern sa kaniyang distrito.

Ipagpapatuloy aniya nila ang pagseserbisyo sa taumbayan, kahit na nasa ilalim sila ng four-day work week arrangement, may mga personnel na nakatalaga tuwing Biyernes para matugunan ang mga humihingi ng tulong.

Sa ngayon nga, nakasailalim sa travel restriction si Romuladez matapos iisyu ng Sandiganbayan sa kahilingan na rin ng Office of the Ombudsman, na tinanggihan ang hiling ng mambabatas na bumiyahe sa Singapore para sa medical checkup.