-- Advertisements --

Nangako ang state witness na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na isasauli niya ang kabuuang P1 billion sa kaban ng bayan.

Ito ay bilang bahagi ng restitution kapalit ng pagpasok niya sa Witness Protection Program (WPP) para tumestigo sa mga anomaliya sa flood control projects.

Nauna nang nakapagbalik si Bernardo ng mahigit P500 million sa gobyerno.

Sa kaniyang pagtestigo sa bail hearing nina dating Senador Ramon Revilla Jr. at kaniyang kapwa akusado sa kasong malversation sa Sandiganbayan, inamin ng dating DPWH official ang kaniyang papel sa umano’y korapsiyon sa mga proyekto, kabilang ang sa Pandi, Bulacan at sinabing nagsisisi siya sa pagiging bahagi ng sistema.

Tumestigo rin si Bernardo sa tatlong umano’y milyun-milyong cash deliveries kay dating Senador Revilla noong 2024 at 2025.

Isinalaysay din ni Bernardo na humingi umano si Revilla ng 25% na commitment para sa infrastructure projects, kabilang ang umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Aniya, sinabihan siya ng dating Senador na makipag-ugnayan kina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at yumaong dating DPWH USec. Catalina Cabral, na maisama sa 2025 General Appropriations Act (GAA) ang proyekto sa Pandi, Bulacan.