Posibleng buksan ng Senado ang isang selyadong kahon na naglalaman ng income tax records ni Vice President Sara Duterte habang isinasagawa ang impeachment trial.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, posible itong mangyari kahit hindi pa namarkahan ang kahon bilang opisyal na ebidensya noong isinagawa ang pre-trial conference.
Ang nasabing kahon ay mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at naglalaman umano ng mga tax records ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawa na si Manases Carpio, at ng kanilang mga kumpanya.
Naantala ang pagbubukas ng kahon dahil binigyan muna ng pagkakataon ang panig ng depensa na magbigay ng kanilang komento tungkol sa kahilingan ng prosekusyon na buksan ito.
Ayon sa Senado, kailangan ng pahintulot ng Impeachment Court bago mabuksan ang mga dokumento.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na maaaring buksan ang kahon sa mismong paglilitis kung ito ay ihaharap ng prosekusyon bilang bahagi ng kanilang mga ebidensya.
Nabatid na ang tax records ay inihaing ebidensyang nais gamitin ng prosekusyon kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Duterte.
Kung saan inakusahan ang Pangalawang Pangulo ng umano’y pagkakaroon ng yaman na hindi tugma sa kanyang kita at ng hindi umano wastong pagsisiwalat ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ang sealed box ay unang ipinadala ng BIR sa House Committee on Justice noong Abril bago ito inilipat sa Senado.
Nakatakdang simulan ng Senado ang impeachment trial sa Hulyo 6, 2026.
















