Ibinasura ng House Committee on Justice ang impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Halos dalawang oras lamang inabot ang pagdinig bago nagdesisyon ang komite sa botong 41 na Yes, 0 na No at Abstention na ibasura ang impeachment complaint na inihain ni Edwin Cordevilla, secretary general ng Filipino League of Advocates for Good Government (FLAG), na inendorso naman ni Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba.
Ayon sa komite, insufficient in form ang impeachment complaint dahil sa walang personal knowlede si Cordevilla sa mga alegasyon nito laban kay Leonen.
Tinawag pa ni Deputy Speaker Salvador Leachon na “unsigned paper’ o “scratch paper” ang reklamo ni Cordevilla.
Bukod dito, hindi rin authentic records ang mga iprinisentang dokumento ng complainant, ayon naman kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.
Puro photocopy sa dyaryo at online nwes websites kasi pinagkukuha ni Cordevilla ang mga dokumento na isinumite nito sa komite.
Kaya naman iginiit ni Rodriguez na maituturing itong “hearsay” dahilan para hindi tatayo ang reklamong ito sakali mang sumalang pa sa trial.
Betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution ang binanggit na grounds ni Cordevilla sa kanyang reklamo laban kay Leonen dahil sa hindi paghahain ng SALN at pag-upo nito sa mga kaso sa kanyang dibidsyon sa Supreme Court gayundin sa mga electoral protest sa House of Representatives Electoral Tribunal kung saan siya tumatayo bilang chairman.
Hindi na ibabalik pa sa Secretary General ang reklamong ito matapos na maibasura bagkus ay gagawan na lamang ng committee report para sa tuluyang pagsasara ng kaso.