Ipinadala na ngayong araw ni U.S. House of Representatives managers sa Senado ang article of impeachment laban sa umano’y panghihikayat na ginawa ni dating U.S. President Donald Trump ng kaguluhan sa Capitol riot noong Enero 6.
Unang sinabi ni Pelosi noong nakaraang linggo na sa Pebrero 8 sisimulan ang pagdinig.
Subalit naniniwala ang ilang ka-alyado ni Trump na mahihirapan ang mga Democrats na sigurudahing makukulong ang dating presidente ng Amerika dahil sa kaguluhan sa US legislative building na nag-iwan ng limang patay.
Duda rin ang mga ito na kayang mabuo ng Democrats ang kinakailangang 17 Republican votes para maabot ang two-thirds majority upang makulong si Trump.
Ayon kay Republican Sen. Marc Rubio, sa kabila ng responsibilidad ni Trump sa nangyaring kaguluhan sa U.S. Capitol ay hindi raw ito ang tamang panahon para talakayin ang naturang paksa dahil mas marami pa aniyang problema na dapat harapin ang Amerika.
Naninindigan naman ang ilang Republican na walang otoridad ang U.S. Senate na isailalim sa paglilitis ang isang private citizen tulad ni Trump dahil wala na ito sa kaniyang pwesto.
Kung pagbabasehan daw kasi ang Konstitusyon ay wala raw nakalagay dito na maaaring i-impeach ang dating presidente.
Inaasahan na si Vermont Democratic Sen. Patrick Leahy ang mangunguna sa ikalawang impeachment trial ni Trump at hindi si Chief Justice Justin Roberts na siyang nag-preside sa unang impeachment trial ng Republican president.
Dumistansya naman si President Joe Biden sa impeachment trial ni Trump dahil mas nais daw nitong unahing solusyonan ang COVID-19 pandemic at isalba ang naghihingalong ekonomiya ng Estados Unidos.