-- Advertisements --

Inirekomenda ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kay Senador Sherwin Gatchalian bilang chairman ng Committee on Finance na imbitahan ang mga governor at mayor na makibahagi sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang 2026 national budget. 

Ipinaliwanag ni Escudero na kung ang mga opisyal ng mga ahensya at bureau ay palaging humaharap sa Senado upang ipagtanggol ang kani-kanilang panukalang pondo, panahon na rin umano para bigyan ng pagkakataon ang mga local chief executives—na siyang nagpapatupad ng maraming proyektong ito—na mailahad ang kanilang pananaw hinggil sa pambansang badyet.

Mahalaga aniya ang partisipasyon ng mga lokal na opisyal dahil sila ang nasa mismong “ground level” at makatutulong silang magsuri kung tumutugon ba talaga ang mga nakaprogramang proyekto sa pangangailangan ng kanilang nasasakupan.

Binigyang-diin pa ni Escudero na maraming proyektong naisusulat sa budget kahit hindi kinokonsulta ang mga LGU, na madalas ay bunga ng pulitika.

Ang naging resulta aniya ay pag-aaksaya ng pondo at pagkakaroon ng mga “white elephant projects.”