Umapela si Senadora Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maging maingat at mapanuri sa pakikipagdiskusyon kay US President Donald Trump.
Babala ng senadora, dapat patas at pantay ang kasunduan upang makita ng Estados Unidos na tayo ay bansang may sariling dignidad at paninindigan.
Giit pa nito, ang pakikipagkalakalan ay dapat isang pakikipag-ugnayan at hindi pagsuko.
Bilang masugid aniya na kaalyado ng Amerika sa usaping militar at ekonomiya, dapat maitulak ng pangulo ang 10% sa taripa, kahit ipantay na lamang sa Indonesia na 19 percent dahil mukhang mas mataas pa rito ang buwis na gustong ipataw sa bansa.
Marapat lamang na hindi aniya lumagda ang presidente sa kahit anong kasunduan na sa huli ay madedehado naman ang sariling bayan kahit pa may kapalit itong ginto, personal na pangako o deklarasyon ng alyansa.
Dagdag pa ng senadora, hindi dapat pumayag ang Pilipinas na magpakontrol sa Amerika partikular sa serbisyo at suplay na tiyak makaaapekto sa sariling domestic economic policies ng bansa.