-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pinapabilisan na ng mga lokal na pamahalaan ng Talayan at Guindulungan sa Maguindanao ang mga pulisya sa kanilang imbestigasyon kasunod sa pagbaril-patay sa isang konsehal sa Talayan at ikinasugat ng dalawang iba pa.

Ito’y kasabay rin ng kanilang mariing pagkondena sa naturang pangyayari kung saan walang awang tinadtad ng bala hanggang sa mamatay si councilor Morsid Lauban.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PLt. Sukarlo Banggas, acting chief of police ng Talayan PNP, sa ngayon ay patuloy ang pagtukoy nila sa mga suspek o persons of interest na bumaril-patay sa naturang konsehal.

Kanila ring iniimbestigahan kung nakatanggap ba ng banta sa buhay si councilor Lauban bago siya pinatay.

Nabatid na sugatan ang dalawang kasama nito sa loob ng itim na Toyota Hi-Lux na minamaneho nito at nagpapagaling na ngayon sa Cotabato Regional and Medical Center.

Lumalabas sa imbestigasyon na papunta na sana sa municipal hall ng Guindulungan si Lauban para sa isang flag-raising ceremony at sa pag-parking nito dito na siya tinadtad ng bala ng mga suspek gamit ang matataas na mga kalibre ng armas.