ILOILO CITY – Napabilang sa listahan ng Young Shapers of the Future 2022 ng Britannica ang isang Ilongga scientist na nakatuklas ng gamot sa diabetes gamit ang prutas na aratiles.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maria Isabel Layson, 18-anyos na kumukuha ng kursong BS Chemistry sa University of the Philippines-Visayas, sinabi nito na labis ang kanyang kagalakan na kinilala ang kanyang pananaliksik na layuning makahanap ng iba pang gamot laban sa diabetes.
Ayon kay Layson, sinimulan niya ang pananaliksik sa aratiles noong nag-aaral pa sa Iloilo National High School-Special Science Class program.
Ipinagpatuloy niya ito sa Food and Nutrition Research Institute laboratory sa Manila at nadiskubre ang antioxidant compounds na maaaring gamot sa nabanggit na sakit.
Noong May 2019, ikinatawan niya ang bansa sa Intel International Science and Engineering Fair sa Phoenix, Arizona, kung saan ipinresenta nito ang nasabing pag-aaral.
Sa pareho ring taon, nanalo siya ng Best Individual Research in Life Science sa National Science and Technology Fair ng Department of Education.
Napag-alaman na inspirasyon ni Layson sa kanyang pananaliksik ay ang lolo nito na namatay dahil sa diabetes kung kaya hindi na niya ito nasilayan.