ILOILO CITY – Walang pagsisisi ang alkalde ng Lungsod ng Iloilo matapos inulan ng batikos dahil sa pagmumura sa harap ng mga bata.

Napag-alaman na pinagmumura ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang mga empleyado ng Iloilo City Hall sa mismong flag-raising ceremony kung saan dumalo ang mga bata kasabay ng Boys and Girls Week Celebration.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na inaasahan na niya na hindi magiging maganda ang reaksyon ng publiko sa kanyang ginawa laban sa mga namumulitika sa kanya.

Ngunit ayon sa alkalde, kailangang imulat ang mga bata sa katotohanan na hindi ideal ang mundo at maraming tao ang nais gumawa ng masama.

Ayon pa sa alkalde, kailangan ding malaman ng mga bata na marumi ang politika.

Gayunman, nilinaw nito na wala siyang ginawang panghaharras sa mga empleyado, sa halip ay binabalik lamang niya ang ginagawa ng ibang empleyado ng Iloilo City Hall laban sa kanya.