-- Advertisements --

Humarap sa Senado ang ilang testigo na nagbigay ng salaysay ukol sa kanilang mga nalalaman ukol sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero.

Isa na rito si Denmark “Arvee” Sinfuego.

Si Sinfuego ay nagsabing nakita niya ang pagkuha at pagharang ng mga guwardiya ng sabungan sa ilang kalalakihan na kalaunan ay nawala.

Tinukoy pa nito na isa sa mga dumadalo sa hearing ay nakilala niyang lider ng mga guwardya at tinatawag pang chief.

Sa umpisa ay balut-na-balot ng mask at hoodie ang testigo, ngunit pinatanggal ito ng committee chairman na si Sen. Ronald dela Rosa, para daw malinaw na marinig ang salaysay ng witness.

Binalaan naman ng senador ang testigo na aalisin ito sa witness protection program sa oras na matuklasang nagbibigay ito ng maling impormasyon sa nag-iimbestigang lupon.

Samantala, sa pahayag naman ng testigong si Alvin Indon, itinuro nito ang gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang na siya raw ang boses na narinig niya sa cellphone na kausap ng tauhan nito na si Julie Patidongan na nag-uutos naman na patayin sila.

Pero sa panig ni Ang, itinanggi niya ang naturang akusasyon.

Sa halip itinuro ni Ang si Laguna provincial director Col. Rogart Campo na nasa likod daw ng mga kwento ukol sa kaniya.

Gayunman, may sarili ring kuwento ang hepe ng pulisya sa lalawigan ng Laguna.