LAOAG CITY – Nanginginig pa rin sa takot ang isang OFW sa Singapore na nagpakilala lamang sa pangalang “CheChe” na taga-Davao dahil sa nangyaring car accident sa Lucky Plaza na ikinasawi kaagad ng dalawang kapwa OFW.

Sa mensaheng ipinadala ni CheChe sa Bombo Radyo Laoag, ikwinento niya na nasa yosi area sila nang makita ang pagsagasa ng isang sasakyan sa anim na OFW na kumakain lamang sa railings.

Anya, bigla na lamang sumulpot ang nasabing itim na kotse na napakabilis ang takbo na parang nawalan ng kontrol sa manibela at preno na dumiretso sa metal railing kung saan may mga kumakain na Pinay.

Dagdag niya na ang nasabing lugar ay tambayan ng maraming Pilipino.

Sinabi pa ni CheChe na mabilis ang pangyayari at wala silang nagawa kundi maghiyawan at mag-iyakan habang pinapanood ang sinapit ng mga kapwa nila OFW sa Singapore.

Maalala na maliban sa dalawang namatay na OFW ay may dalawa pang kritikal habang ang dalawa ay nasa maayos na ang kalagayan.