-- Advertisements --

Sa kabila ng mas maagang pagtatapos ng Traslacion ngayong taon na umabot lamang ng 16 oras at 35 minuto, maraming deboto pa rin ang kunot-noo sa ilang mga pagbabago na ipinatupad ng lokal na gobyerno ng Maynila at Manila Police.

Isa na rito ang malaking pagbabago ng ruta ng Traslacion dahil nakagawian na noong mga nakaraang taon na idaan ang Andas sa Manila City Hall papuntang Jones Bridge ngunit kaagad itong kumanan sa Padre Burgos St hanggang makarating ng Finance Road.

Hindi rin dumaan ang Andas sa Escolta at Binondo Area at nag-detour ito sa Ayala Boulevard papuntang Ayala Bridge.

Naging mahigpit din ang ipinatupad na seguridad ng mga otoridad sa paligid ng imahe ng itim na Poong Nazareno dahil magmula pa lamang sa Quirino Grandstand ay pinaligiran na nila ang isa sa mga andas at hindi pinayagang makalapit o sumampa mula sa harapan o gilid ang mga deboto.

Halos 14 na truck ng basura naman ang nakolekta ng Manila City government mula sa mga lugar na dinaanan ng Andas.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, mas mababa ito kumpara sa 44 truck ng basura na kanilang naipon noong nakalipas na dalawang taon.

Samantala, umabot naman sa halos 400 katao ang sugatan sa piyesta ng itim na Nazareno.

Batay sa huling tally ng mga opisyal mula sa Manila disaster management, mayroong 487 ang nagtamo ng sugat simula 4:10 ng umaga.

Sinabi naman ng Philippine Red Cross (PRC) na mayroong 26 na pasyenteng ginamot sa kanilang tent dahil sa inor medical cases, 14 ang dinala sa Ospital ng Maynila at Jose Reyes medical dahil sa hypertension, pagkabali ng buto, pilay at mga nahimatay.