-- Advertisements --

Ibinunyag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang labis na pagmamanipula ng ilang mga contractor sa kanilang mga flood control project, batay sa nauna nitong isinagawang inspection at pagsusuri sa ilang kontratang pinasok ng gobiyerno.

Sa pagdalo ni Dizon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hearing ngayong Setyembre 18, isinalaysay ng kalihim ang ilan sa mga paraan ng pagmamanipula ng mga contractor sa mga itinatayong proyekto.

Kabilang dito ang paggawa ng report na nagsasabing natapos na ang proyekto gayong kalahati pa lamang ang nagagawa; ang ilan dito ay may final report na gayong hindi pa nasisimulan ang mga konkretong proyekto.

Dahil dito, naibibigay na sa mga contractor ang kabuuang halaga ng kontrata kahit na kalahati pa lamang ang nagagawa o hindi pa nasisimulan ang proyekto.

Ayon kay Dizon, bagaman marami sa mga ito ay nabunyag na sa probinsiya ng Bulacan, marami rin ang mula sa iba pang lugar.

Tanong ni Senator Erwin Tulfo sa kalihim, posibleng nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga contractor at mga opisyal ng DPWH?

Giit ng kalihim, mayroong nangyayaring sabwatan at nakikinabang sa naturang sistema.

Ayon pa kay Sec. Dizon, kailangang ikutan na ang libu-libong mga flood control project sa bansa upang suriin ang lahat ng mga istraktura. Kailangan din aniyang makita ang lahat ng mga project site upang masigurong mayroon talagang itinayong istraktura at hindi lamang basta ibinulsa ang mga pondong inilaan ng gobiyerno.