Malabo na maibalik sa pondong gugulungin ng pamahalaan sa susunod na taon ang P95 billion infrastructure funds na tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 General Appropriations Act (GAA).
Pahayag ito ni Speaker Alan Peter Cayetano nang matanong hinggil sa nagpapatuloy na negosasyon sa pagitan ng mga kongresista na nais maibalik ang sa loob ng 2020 proposed national budget ang ilang bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inalis ng Pangulo dahil sa ilang anomaliya.
Hinimok ni Cayetano ang mga kongresista na maging “patient” dahil ang hiling ng mga ito ay nangangahulugang babawasan ang budget allocations mula sa iba pang government programs.
Gayunman, naghahanap pa rin naman aniya ng paraan ang Kamara para ma-accomodate ang request ng ilang kongresista na karagdagang pondo.
Sinabi ni Cayetano na nakikipag-ugnayan na sina House committee on appropriations vice chairpersons Paul Daza at Romeo Momo Sr. sa mga kongresista at DPWH para matukoy mga priority projects kada distrito na kailangan ng karagdagang pondo.
“It’s very difficult to promise them anything now kasi halimbawa, kung ‘yung DPWH nag-uusap pa lang for 2021 ng budget. Sabihin mo i-input mo ‘yuong P60 billion. May possibility na a part of that or a big part of that maipasok nila. Pero ngayon na nakalatag na, saan mo ibabawas ‘yong P60 billion para ipasok doon? Sa ibang departamento, same department, etc,” ani Cayetano.
Ayon sa lider ng Kamara, nasa P60 billion halaga ng public works projects ang hinihingi ng mga kongresista, habang sinabi naman ni House Appropriations Committee chairman Isidro Ungab posibleng umabot ito ng mula P70 billion hanggang P90 billion.