Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na dagsa ang mga indibidwal na nagpapahayag ng kanilang interes na mapasama sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Remulla, maraming mga tao ang lumalapit sa kanilang tanggapan upang mag-apply para sa proteksyon at seguridad na inaalok ng programa.
Dahil dito, napagpasyahan ng ahensya na sa kausapin ang dalawa hanggang sa tatlong aplikante na interesado sa WPP sa susunod na linggo.
Dagdag pa niya, isa sa mga aplikanteng ito ay nagmula sa isang kilalang construction firm na kabilang sa top 15 sa bansa.
Bukod pa rito, sinabi ng kalihim na inaasahan pa nilang mas marami pang aplikante ang madadagdag sa mga susunod na araw.
Binigyang-diin din ni Remulla na ang proseso ng WPP ay maselan at hindi basta-basta. Ang bawat aplikante ay dadaan sa masusing pagsusuri at ang kanilang testimonya ay sasalain upang matiyak ang kredibilidad nito.
Magkakaroon din ng kasunduan sa pagitan ng DOJ at ng testigo. Nakasaad sa kasunduan na ang testimonya ng testigo ay hindi maaaring gamitin kung walang pahintulot mula sa kanya.
Kasabay nito, titiyakin ng DOJ ang seguridad ng testigo sa lahat ng oras. Ito ay bahagi ng kanilang pangako na protektahan ang mga indibidwal na tumutulong sa paglutas ng mga krimen.
















