-- Advertisements --

LAOAG CITY – Naitala ang ika-anim na pasyenteng namatay dahil sa coronavirus disease 2019 dito sa Ilocos Norte.

Base sa Provincial Government of Ilocos Norte, ang namatay na pasyente ay si IN-C859, matandang babae, 61-anyos at residente ng Brgy. 17 sa lungsod ng Batac matapos magpositibo sa virus noong Marso 14, 2021.

Ito na rin ang pangalawang namatay sa nasabing lungsod kung saan nauna si IN-C129 na residente ng Brgy. San Pedro.

Si IN-C812 na isang lalaki, 38-anyos, at residente ng Brgy. Bubuos sa bayan ng Solsona ang ika-limang namatay dahil sa COVID-19.

Kasabay nito, kinumpirma ng lokal na gobyerno ng lalawigan ang 14 na bagong kaso ng COVID-19 mula kay IN-C968 hanggang sa pinakahuli na si IN-C981.

Nasa 783 naman ang kabuuang bilang ng COVID-19 recoveries matapos maitala ang apat na pasyente na gumaling mula sa virus.

Sa ngayon ay umaabot sa 192 active cases ng COVID-19 ang lalawigan kung saan pinakamarami sa bayan ng Solsona na may 63 na aktibong kaso, pangalawa ang bayan ng Pagudpud na may 39 active cases at parehong 20 active cases sa lungsod ng Batac at dito sa lungsod ng Laoag.