CENTRAL MINDANAO – Isang malakas na uri ng improvised explosive device (IED) ang narekober ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Ist Mechanized Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Salman Ampatuan, Maguindanao ay nakita nila ang isang bomba sa gilid ng kalsada.
Agad na nagresponde ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal Team ng Philippine Army at na-diffuse ang IED na gawa sa bala ng 105 mm howitzer cannon.
Malaki ang paniniwala ni Gen. Uy na posibleng target ng bomba ang mga sundalo na dadaan sa kalsada.
Grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek ng militar na nag-iwan ng bomba sa gilid ng kalsada.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa lalawigan ng Maguindanao laban sa BIFF.