LAOAG CITY – Binisita ni ICI Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. kasama sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at DPWH Undersecretary Arthur Bisnar ang ilang proyekto dito sa Ilocos Norte.
Unang pinuntahan ng ICI ang Bongo Bridge sa Poblacion at sumunod naman sa Barangay Carray sa bayan ng Nueva Era.
Ayon kay Azurin, lahat ng proyektong napuntahan nila sa nasabing bayan ay Discaya ang contractor at sa kanilang inspeksyon, natuklasan nila na ang ilan sa mga proyekto ay may mga nakumpuni na batay sa mga inhinyero ay bahagi ng warranty ngcontractor.
Ipinaliwanag pa niya na ang isa sa mga binisita nila ay una nang inireport na nagiba.
Hinggil dito, may mga inhinyero na maiiwan, kasama na ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang tingnan ang plano tulad ng lokasyon, detalye, presyo at iba pa.
Sinabi pa ni Azurin na susunod nilang bibisitahin naman ang ilang proyekto sa Vintar at dito sa Laoag City.
Aniya, hindi lamang mga flood control projects sa probinsya ang kanilang iniimbestigahan kundi pati na rin ang iba pang mga proyekto tulad ng mga street/solar lights.
Dagdag pa niya, mayroong humigit-kumulang 150 proyekto na nagkakahalaga ng siyam na bilyong piso mula 2016 hanggang 2025 ang nasa lalawigan.
Samantala, sinabi ni Bisnar na sa kanilang inspeksyon, wala silang nakitang anumang ghost project.
Ganunpaman, iginiit nito na hindi lamang ito ang tinitingnan o iniimbestigahan ng ICI kundi pati na rin ang mga substandard at lahat ng proyektong pang-imprastraktura.
















