Bumuelta si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman at retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr. sa naging banat ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na ayaw bisitahin ng komisyon ang mga flood control project sa Ilocos Norte, ang kilalang balwarte ng pamilya Marcos.
Unang binatikos ni Singson ang naturang komisyon dahil mistula aniyang iniiwasan ang Ilocos Norte gayong malapit lamang itong puntahan.
Sagot ni Reyes, lahat ng probinsiya ay pupuntahan ng komisyon.
Paliwanag ng ICI Chief, walang pinipili ang independent body na imbestigahan at sa katunayan ay nais nitong mailabas ang lahat ng mga proyektong mayroong isyu ng korapsyon o may bahid ng anomalya.
Tiniyak din ng retiradong mahistrado na ang patas na pagsusuri sa lahat ng mga public infrastructure project, kaninonmang balwarte ang mga ito.
Kung babalikan ay inakusahan din ni Singson si Chairman Reyes na umano’y pumipigil sa ilang iniimbitahang resource person na magsalita o magbanggit ng ilang mga pangalan, at sensitibong impormasyon, bagay na pinabulaanan din ng huli.
















