-- Advertisements --

Pumayag ang International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber 1 na palawigin pa ang deadline sa pagsusumite ng mga dokumento may kaugnayan sa mga testigo sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa 5 pahinang desisyon na may petsang Mayo 20 na nilagdaan ni Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc, ipinag-utos ng kapulungan sa prosekusyon na kumpletuhin ang disclosure ng arrest warrant materials may kaugnayan sa mga testigo nang hindi lalagpas sa Hulyo 1 alinsunod sa request ng Prosekusyon.

Sa Hunyo 16, ang deadline ng prosecution para magsumite ng anumang mga aplikasyon para sa redaction ng mga pagkakakilanlan ng mga testigo o non-disclosure ng buong items ng ebidensiya at deadline para sa Victims and Witness Units para magsumite ng kanilang mga obserbasyon sa naturang mga aplikasyon.

Sa Hunyo 20, ang itinakdang deadline para sa pagsusumite ng anumang tugon may kaugnayan sa mga nabanggit na submissions.

Sa Hulyo 1, ang deadline ng prosekusyon para makumpleto ang disclosure ng Arrest Warrant Materials may kaugnayan sa mga testigong nabanggit sa kanilang request.

Matatandaan noong Mayo 9, nagpadala ang prosekusyon ng bagong mga dokumento may kaugnayan sa arrest warrant subalit humiling din ito ng panibagong deadline para i-disclose ang natitirang mga materyal.

Ayon sa Pres-Trial Chamber, hindi naman ito tinutulan ng defense team ng dating Pangulo.