-- Advertisements --

Nagtalaga na ang International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ng mga medical expert na susuri sa kondisyon at kakayahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makilahok sa mga pagdinig kaugnay ng inaakusa sa kaniynag crimes against humanity.

Batay sa dokumentong may petsang Oktubre 9, ipinag-utos ng ICC ang pagtatalaga ng multidisciplinary panel na binubuo ng mga eksperto sa forensic psychiatry, neuropsychology, at behavioural neurology upang matukoy kung may karamdaman ang dating Pangulo na maaaring makaapekto sa kanyang pag-unawa at paglahok sa proseso ng paglilitis.

Layunin ng pagsusuri na alamin kung naiintindihan ng dating Pangulo ang layunin at kahihinatnan ng kaso, ang ebidensiya laban sa kanya, at kung kaya niyang magbigay ng pahayag o makipag-ugnayan sa kanyang abogado para sa kanyang depensa.

Ayon naman sa lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman, nakararanas umano ang dating pangulo ng cognitive deficiencies at hirap nang alalahanin ang mga pangyayari, lugar, at maging ang ilang miyembro ng kanyang pamilya at legal team.

Dahil dito, humiling ang kampo ni Duterte ng “indefinite adjournment” o pansamantalang paghinto ng kaso, ngunit tinanggihan ito ng ICC, sa pangambang maaaring iwasan ni Duterte ang paglilitis dahil sa dati nitong pagbabanta sa mga testigo at patuloy na impluwensiya ng kanyang pamilya sa bansa.