-- Advertisements --

Inalmahan ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao (UPLM) ang paggawad ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Davao Chapter ng “Golden Pillar of Law Award” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at nanawagan sa liderato ng IBP na muling pag-aralan ang naturang desisyon.

Nagpahayag din ng matinding pagkabahala ang UPLM at iginiit na hindi dapat parangalan ang isang taong may rekord ng paglabag sa due process at kaugnayan sa extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs, kung saan libu-libo ang napatay.

Binigyang-diin pa ng grupo na ang dating pangulo ay sinampahan ng kaso sa International Criminal Court (ICC) bilang “indirect co-perpetrator” ng crimes against humanity, kaya’t hindi umano siya dapat ituring na “haligi ng batas.”

Giit pa ng UPLM, ang naturang parangal ay dapat ibinibigay lamang sa mga abogado na may malinis na rekord, gumagalang sa batas, hustisya, at karapatang pantao, hindi lang sa tagal ng serbisyo.

Kaugnay nito, nananawagan ang grupo sa IBP na bawiin o suriin muli ang pagkilala sa dating Pangulo upang mapanatili ang integridad ng legal na propesyon at tiwala ng publiko, lalo na ng mga biktima ng war on drugs na patuloy na naghahanap ng hustisya.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng dating Pangulo kaugnay sa naturang panawagan.