Iniimbestigahan ngayon ang tumatayong chief prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na si Karim Khan dahil sa umano’y misconduct.
Kinumpirma ito ng kaniyang opisina sa isang statement ngayong araw ng Biyernes, Mayo 17.
Kaugnay nito, pansamantalang bababa sa pwesto si Khan hanggang sa matapos ang internal investigation ng United Nation at ang kaniyang deputy prosecutors muna ang magpapatakbo ng kaniyang tanggapan habang naka-leave of absence ito.
Nauna ng inanunsiyo ng governing body ng ICC ang isinasagawang external investigation sa umano’y misconduct ni Khan na nauna naman ng pinabulaanan ng chief prosecutor.
Noong Nobiyemre ng nakalipas na taon, nauna ng inanunsiyo ng UN Office of Internal Oversight Services ang inilunsad nitong imbestigasyon laban kay Khan kung saan napaulat na inakusahan umano ang chief prosecutor ng sexual misconduct sa isang miyembro ng kaniyang opisina.
Base sa report mula sa American newspaper na nakabase sa New York city, sinabi umano ng biktima, na isang assistant na nasa edad 30s, sa kaniyang testimoniya na hinawakan siya ni Khan sa mahalay na paraan na humantong sa pamimilit sa kaniya na makipagtalik na nangyari umano noong Disyembre 2023.
Matatandaan na gumawa ng ingay ang 55 anyos na ICC chief prosecutor noong nakalipas na taon nang magkasa ito ng high-profile investigations at hiniling ang pag-isyu ng ICC arrest warrants laban sa mga matataas na opisyal gaya nina Russian President Vladimir Putin, Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, dating defense minister Yoav Gallant at sa tatlong matataas na lider ng Hamas dahil sa umano’y war crimes at crimes against humanity.
Si Khan din ang tumatayong chief prosecutor na nag-iimbestiga sa alegasyong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.