Pinaghahanda ng isang infectious disease expert ang Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa mas nakakatakot at nakakahawang Delta variant ng coronavirus.
Sa ipanatawag na pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi kasama ang mga miyembro ng IATF, sinabi ni Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institutes of Health sa University of the Philippines Manila, na 60% na mas nakakahawa ang Delta variant kaysa orihinal strain ng coronavirus.
Aabot kasi aniya sa walong tao ang kayang mahawaan ng isang indibidwal na positibo sa Delta variant, ‘di hamak na mas marami kaysa tatlo na kayang hawaan ng mayroong original strain ng COVID-19.
Kung ang tao ay tinamaan ng Alpha variant (original strain) tatlong araw pa ang aabutin para makapanghawa sa iba, pero ang Delta variant naman ay 30 oras lang ang kakailanganin para maipasa ang strain na ito.
Bukod dito, ang mga batang pasiyente na tinamaan din ng Delta variant ay posibleng makapag-develop din ng mas malalang sakit dahil dito.
Kaya naman kailangan aniya na strikto pa ring sundin ng publiko ang umiiral na minimum health protocols tulad nang palaging paghuhugas ng kamay, wastong pagsuot ng face mask at face shield at physical distancing.
Bukod dito, mahalaga rin aniyang magpabakuna na rin laban sa COVID-19 ang mga indibidwal na pasok sa priority groups ng vaccination program ng pamahalaan para maiwasan na rin ang pagkalat pa lalo ng Delta variant.