Umabot na sa pitong katao ang natukoy na missing dahil sa malawakang pagbaha sa bansa dulot ng bagyong Crising at hanging habagat
Batay sa pinakahuling report ng Office of Civil Defense (OCD), karamihan sa kanila ay tinangay ng baha habang ang isa ay sakay ng bankang pangisda na tumaob dahil sa masungit na karagatan.
Ayon kay OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano, lahat ng pitong katao na umano’y missing ay patuloy pa ring isinasailalim sa validation upang matukoy kung ang mga ito ay pawang resulta ng habagat at bagyong Crising.
Nagpapatuloy pa rin aniya ang paghahanap sa mga missing sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, sa pagtutulungan ng iba’t-ibang search and rescue personnel.
Samantala, sa limang kataong napaulat na nasawi dahil sa epekto ng kalamidad, tanging dalawa pa lamang dito ang validated habang ang tatlong nalalabi ay patuloy pa ring isinasailalim sa validation.
Ayon kay Mariano, umabot sa kabuuang 167 road sections ang naitalang apektado sa malawakang pagbaha at mga pagguho ng lupa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa kasalukuyan ay 122 na rito ang maaaring madaanan habang patuloy pa rin ang clearing operations sa 45 na lugar. Ayon kay Mariano, ilalabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang clearance para sa mga naturang kalsada, kapag nasigurong ligtas nang madaanan ang mga ito.