Ngayon pa lamang ay inuulan na ng goodluck cheers ang pambato ng Pilipinas sa Miss Universe na si Rabiya Mateo.

Ito’y kasunod ng maiksing video clip kung saan buo ang kumpiyansa ni Rabiya na masusungkit ang title bilang susunod na Miss Universe.

Sa video ng modeling agency na Aces & Queens, kanilang binigyan si Mateo ng “complete the sentence” game na nagsasabing “I am Rabiya Mateo and I am (blank).”

Dito na sumagot ang 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo na I am Rabiya Mateo and I am (your next Miss Universe).

Una na ring umapela ng suporta si Rabiya para sa online voting.

Ang mananalo kasi sa nasabing botohan via online ay otomatikong pasok sa Top 21.

Si Rabiya ang unang nagwagi sa hiwalay na franchise ng Miss Universe Philippines.

Maliban sa isang exclusive e-commerce platform, maaari ring makaboto sa app at website ng Miss Universe.

Gaganapin ang coronation ng 69th edition ng Miss Universe sa darating na May 16 sa Florida, o May 17 ng umaga (Manila time).

Sa ngayon ay mayroon nang apat Miss Universe crown ang bansa, una ay sa pamamagitan ni Gloria Diaz noong 1969.

Sumunod si Margie Moran noong 1973, taong 2015 na nasundan ni Pia Wurtzbach, at panghuli ay noong 2018 kay Catriona Magnayon Gray.

Sa huling coronation bago sumiklab ang pandemya, nasungkit ng bansa sa pamamagitan ni Gazini Ganados ang Top 20 finish sa Miss Universe.