CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinagulat mismo ng huwes at maging pamilya nito ang inilabas na en banc decision ng Korte Suprema na tanggal ito sa puwesto bilang presiding judge sa Regional Trial Court (RTC) Branch 20 na humahawak sa mga kaso mula Cagayan de Oro City at Misamis Oriental.
Una rito, narinig ng pamilya sa Bombo Radyo ang kautusan ng Korte Suprema na sibak na sa kanyang tungkulin si RTC Branch 20 Presiding Judge Bonifacio Macabaya dahil sa panghihiram umano ng pera mula sa kanyang litigants sa siyudad ng Cagayan de Oro.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng asawa ng huwes na si Noime Macabaya na nagulantang sila sa findings ng Korte Suprema na aniya’y paninira lamang sa kanilang pamilya.
Sinabi ng maybahay ng huwes na hindi raw talaga maiwasan na mayroong masasagasaan sa trabaho kaya iniipit umano sila.
Hindi naman binanggit ni Mrs. Macabaya kung sino ang tinutukoy nito.
Kaugnay nito, personal na tutungo sa Maynila ang mag-asawang Macabaya para ihain ang motion for reconsideration sa inilabas na desisyon ng SC.
Bago ito, iginiit ng mga complainant na sina Leonaria Neri, Abeto Jr, Jocelyn Salcedo, Evangeline Camposano at Hugo Amorillo Jr na nangungutang daw ng malaking halaga ng pera si Macabaya habang nakabinbin pa ang kanilang mga kaso sa sala nito.
Ngunit nakasaad sa counter-affidavit ni Macabaya na paninira lamang daw ng kanyang puri ang naturang hakbang.