-- Advertisements --

Inako ng Houthi rebels sa Yemen ang pag-atake sa dalawang oil tankers ng Saudi Arabia sa Red Sea.

Tinukoy ng Houthis ang mga inatakeng barko na Encelia at Layla.

Bagamat inako ng rebeldeng grupo na sila ang nasa likod ng pag-atake, hindi pa ito kumpirmado sa ngayon.

Ayon sa kanilang military spokesperson na si Yahya Saree, tinarget ang mga barko gamit ang mga missile at drone dahil sa paglabag sa ipinatupad nilang naval blockade laban sa mga sasakyang pandagat ng Saudi Arabia.

Aniya, nangako ang Houthis na ipagpapatuloy nila ang kanilang naval operations gayundin ang pagpapatupad ng tinawag nilang “siege for a siege equation.”

Una rito, nitong umaga ng Huwebes, Hulyo 23, kinumpirma ng Saudi Press Agency na tinamaan ang barkong Encelia habang naglalayag sa Red Sea, na nagdulot ng sunog sa bow o unahang parte ng barko.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung gaano kalaki ang pinsala sa ikalawang barko, bagamat idineklara ng mga awtoridad na ligtas ang lahat ng tripulante ng mga barko at walang naiulat na nasaktan.

Samantala, nagdulot naman ang mga pag-atake sa lugar ng matinding pangamba sa seguridad ng mga commercial vessel na naglalayag sa Red Sea.

Maraming oil tanker ang napilitang magbago ng ruta o umurong upang iwasan ang Bab el-Mandeb Strait. Nagbabadya rin ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tensyon.