-- Advertisements --

Bumawi ng isang panalo ang Houston Rockets laban sa Golden State Warriors, daan upang pwersahin ang Game 6.

Tinambakan ng Rockets ang Warriors ng 15 points sa Game 5 sa pangunguna ni 1-time NBA champion Fred Van Vleet na kumamada ng 26 points habang 25 points naman ang naging ambag forward na si Amen Thompson.

Hindi naisalba ng tandem nina Jimmy Butler at Stephen Curry ang Golden State, bagkus ay nalimitahan lamang ang score ng dalawa sa 21 points. 13 dito ay ipinasok ni Curry habang walo ang nagawa ni Butler.

Hindi na rin ibinabad ang mga star player ng Warriors matapos iposte ng Rockets ang 27 points na kalamangan sa pagtatapos ng first half at hindi pa rin maka-abanse sa pagpasok ng 3rd quarter.

Sa huling quarter, ipinasok na ng Golden State ang mga bench player at nagawa ng Warriors bench na pababain sa 13 points ang kalamangan, limang minuto bago matapos ang laban, sa pamamagitan ng 14-0 run.

Ipinasok muli ng Rockets ang mga starter nito upang pigilan ang pag-arankada ng Warriors bench.

Sa huli, napanatili ng Houston ang 15 points na kalamangan at napigilan ang 4th quarter comeback ng Golden State, 131 – 116.

Babalik ang serye sa Chase Center, ang nagsisilbing homecourt ng Warriors para sa ika-anim na pagtutuos ng dalawang koponan.