Iginiit ni House Majority Leader Sandro Marcos na lehitimo ang mga puna sa Anti-Political Dynasty bill ng Kamara, ngunit sinabi niyang ang kasalukuyang bersyon ay bunga ng kompromiso upang makakuha ng sapat na suporta mula sa mga mambabatas.
Ayon kay Marcos, batay sa konsultasyon sa mga lider ng partido, posibleng mawalan ng sapat na boto ang panukala kung mas magiging mahigpit ang mga probisyon nito. Aminado rin siyang marami sa mga miyembro ng Kamara ay kabilang sa mga political dynasty.
Nilinaw niya na hindi pa pinal ang panukala dahil daraan pa ito sa Senado at sa bicameral conference committee, kung saan maaari pang amyendahan ang mga probisyong itinuturing na kulang o hindi katanggap-tanggap.
Sinabi rin ni Marcos na hindi pa niya nababasa ang bersyon ng Senado kaya hindi pa siya makapagbibigay ng komento sa mga probisyon nito, kabilang ang panukalang pagbabawal sa political succession.
Ang Anti-Political Dynasty Law ay isa sa priority measures na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“ I highly doubt that the Senate will adopt the House version. So may sarili silang debate, may sarili silang provisions, may sarili silang version when they pass their version of the anti-political dynasty bill, there will be a bicameral conference and then there will be another opportunity to amend whatever provisions the upper house think to be inadequate or not tenable to the Filipino people.
So to answer your question, it was really a matter of getting it through already na ipasa natin dito sa House to get the conversation started. This is not the final result of what the bill will be. Hindi po ito batas. This is just the version that we in the Lower House were able to produce and garner support for. Because had it been more strict, baka hindi tayong makakakuha ng boto,” pahayag ni Majority Leader Sandro Marcos.
















