-- Advertisements --

Paiigtingin pa umano ng Department of Agriculture (DA) ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) para sa pagbabantay at monitoring sa mga nag-aalaga ng baboy lalo ang mga backyard hog raisers.

Kasunod ito ng pagkakadiskubre ng 55 na patay na baboy na inianod sa Marikina River na pinaniniwalaang tinamaan ng African Swine Fever (ASF) pero itinago ng mga may-ari.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar, nananawagan sila sa mga mayor sa buong bansa na mag-ikot sa mga barangay at magsagawa ng seminar para maipaintindi ang epekto ng ASF at kung paano sila matutulungan.

Ayon kay Sec. Dar, hindi dapat itinatago ang mga alagang baboy at kailangang i-report ito sa mga otoridad kung magkasakit o mamatay para sa kaukulang pangangasiwa.

Tiniyak ni Sec. Dar na babayaran nila ng P3,000 ang bawat baboy na may ASF at ipaubaya sa local veterinary office para patayin at ibaon sa lupa para maiwasang kumalat ang virus.