-- Advertisements --

Kinumpirma ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy na humingi na siya ng tulong sa Department of Justice (DOJ) para kanselahin ang pasaporte ng nagbitiw na si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa gitna ng mga imbestigasyon sa kaniyang naging papel umano sa korapsiyon sa flood control projects.

Ayon kay Speaker Dy, agad niyang tinawagan ang noo’y kalihim ng Justice Department na si Sec. Jesus Crispin Remulla, na ngayon ay Ombudsman na, mula nang magbitiw sa pwesto si Co noong Setyembre 29 para hilingin ang agarang akisyon para mahigpitan ang pagbiyahe niya sa ibang bansa.

Paliwanag ni Dy bagamat wala sa hurisdiksiyon ng DOJ ang pagkansela ng pasaporte ni Co, hiniling lamang aniya nito ang assistance ng ahensiya dahil ito ang siyang nangangasiwa sa Bureau of Immigration at makakatulong ito para mapabilis ang coordination process.

Tiniyak naman aniya ni Remulla na gagawa ng kaukulang aksiyon ang DOJ sa pinakamabilis na paraan.

Ayon pa sa House Speaker, hiniling na rin ng DOJ sa Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-inisyatiba sa pagkansela ng pasaporte ni Co.