-- Advertisements --

Magsusumite ng motion for clarifications sa Senate impeachment court ang House Prosecution Panel hinggil sa kanilang naging kautusan matapos napagdesisyunan kagabi na i-remand o ibalik sa house of representatives ang articles of impeachment kung saan lilitisin si Vice President Sara Duterte.

Sa pagharap ng House Prosecution panel sa media, inihayag ni Rep. Gerville Luistro na dahil sa nais nilang maliwanagan hindi muna tatanggapin ang articles of impeachment.

Tatlong punto ang tinukoy ni Luistro na nais nila ng paglilinaw.

Ngayong araw sana nakatakda maghahain ng motion seeking clarification sa impeachment court ang prosecution panel. 

Ikinalugod naman ng House Prosecution panel ang pagbibigay ng summon kay VP Sara na hudyat na buhay na buhay pa ang impeachment trial.

Gayunpaman nagpahayag ng pagkalito ang panel sa pag remand ng senado kaya kailangan nila ng paglilinaw.

Sa usapin naman kung sasaklolo ang prosecution panel sa korte suprema, sinabi ni Luistro na maaga pa para ito ay kanilang ikunsidera.

Kinuwestiyon ni Manila Rep. Joel Chua ang naging hakbang ng senado dahil ang kanilang ginawa ay hindi sakop ng kanilang mandato.

Ayon kay Chua ang hakbang ng senado na ibalik sa HOR ang articles of impeachment ay labag sa konstitusyon.

Sinabi ni Chua ang nasabing hakbang ay wala sa kapangyarihan ng Senado.

Nilinaw naman ni House Prosecution Panel Chairman at minority leader Marcelino Libanan na ang Kamara at Senado ay co equal body, pero sa pagkakataong ito na may impeachment trial ang kamara ay magsisilbing house prosecution panel habang ang senado ay impeachment court.

Aniya dahil sa pag remand ng Senado mahalaga din na maliwanagan ang prosekusyon. 

Binigyang-diin naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop na nirerespeto nila ang desisyon ng Senate impeachment court lalo at sila ang magsisilbing korte at sila ay mga prosecutor.

Siniguro ni Acop na bilang mga prosecutor sila ay susunod sa utos ng impeachment court.

Nilinaw ni Acop na ang komunikasyon ay naka address sa Kamara kaya hindi sila mga prosecutor ang dapat tumugon.

Dahil sa nangyayaring mga pag-antala sa impeachment trial, tiniyak ng house prosecution panel na hahabaan pa rin nila ang kanilang pasensiya.

Ayon kay San Juan City Rep. Isabelle Zamora na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho na naayon sa batas.