Kampante ang House prosecution panel na magagawa pa rin nitong ipresenta nang maayos ang isyu ng confidential funds ni VP Sara Duterte kahit pa hindi payagang ipresenta ang bank, tax, atbpang financial records ng pangalawang pangulo.
Unang hiniling ng House panel sa sa impeachment court ang pag-isyu ng subpoena para sa mga financial records ng pangalawang pangulo upang ipresenta sa susunod na linggo.
Ayon kay House prosecutor Rep. Bel Zamora, mayroong sapat na ebidensiya ang House panel para suportahan ang alegasyon ukol sa iregularidad sa paggamit ni VP Sara ng kaniyang confidential at intelligence funds.
Ang mga naturang ebidensiya ay pawang nalikom mula sa dalawang opisina ni VP Sara: Office of the Vice President at Department of Education.
Bagaman mahalaga ang mga dokumentong naglalaman ng bank at financial records ng pangalawang pangulo, kayang-kaya ng panel aniya na ma-establish o mailatag ang mga patunay sa lahat ng mga alegasyon, kahit pa hindi ilalabas ang nilalaman ng kontrobersiyal na Bureau of Internal Revenue (BIR) box.
Sa kabila nito, naniniwala ang mambabatas na walang dahilan upang hindi pagbigyan ang kahilingan ng House panel dahil hindi naman aniya labag sa batas ang pagpresenta sa mga financial records ng pangalawang pangulo sa impeachment court na dumidinig sa verified complaint laban sa kaniya.
Inaasahang sisimulan na sa susunod na linggo ang pagtalakay sa confidential at intelligence fund issue ng pangalawang pangulo.
















